Ang
tekstong ito ay nagbibigay-diin sa pagkakatulad at pagkakaiba ng mga kaalaman,
konsepto, pangyayari, tao at iba pa. Karaniwang ginagamitan ito ng paglalarawan
ukol sa katangian o kalikasan ng mga pinaghahambing at pagkokontrast upang
malinaw na maipakita ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga ito.
Ang hulwarang paghahambing at
pagkokontrast ay madalas gumagamit ng mga panandang: kasing, tulad ng, gaya ng,
sa ganoon, ganito, pero, ngunit, subalit, sa halip, datapwat, sa kabilang dako
o banda, habang, samantala, atbp.
Halimbawang
Teksto
Ang Buhangin at ang Tao
Ni
Demeterio N. Espino
May
pagkakatulad ang buhangin at ang tao. Alamin natin kung ano ang pagkakatulad
nito. Sinasang-ayunan mo ba ang paghahambing na ito?
Sa unang
malas, katawa-tawa kundi man kataka-takang paghambingin ang buhangin at ang
tao.
Hindi
maaaring magawa o matangka ang paghambingin ang iyon, masasabi natin. At
maidaragdag pa, ang buhangin ay walang iwing buhay gaya ng tao. Ang buhangin ay
walang isip; ang tao ay mayroon.
At
kaugnay nito’y pataka nating maitatanong: makalilikha baga ng explorer at
sputnik ang buhangin?
Saka
susundan ng ganito: Ang buhangin ba’y maaaring maging lapastangan sa kanilang
magulang, tulad ng ilang sibol na kabataan ngayon?
Pagkunwa’y
wawakasan nang paganito: Ang buhangin ba’y iniluluwal ng isang ina gaya ng
pagluwal sa isang sanggol?
Marami
pa tayong maidaragdag na mga patibay na pader na haharang sa anumang
pagtatangkang paghambingin ang buhangin at ang tao.
Walang
butas na maaaring daanan sa pagtatangkang yaon. Marahil ay wala ngang butas,
ngunit sa unang malas lamang.
Sapagkat
kung pakasusuriin ang tinutungkol sa daigdig na ito ng buhangin at ng tao ay
hahanga tayo sa isang kongklusyon o katuusang ang mga iyon ay may pagkakatulad
sa mga ginagampanang papel.
Halos
araw-araw, tayo’y nakakakita ng mga gusaling mababa at mataas – mga gusaling
konkreto. Ngunit hindi natin gaanong pansin ang mga ito. Ano ang sukat mapansin
sa mga iyon, maitatanong natin?
Wala,
maliban kung sinaisip natin ang katanungang: Paano nabuo ang gusaling iyon?
At sa
isip natin ay magkakaanyo ang larawan ng isang gusaling minsang naparoonan
natin. Pawing nasasangkapan iyon ng semento: sahig, tabiki, kisame.
Ngunit
ano-ano ang bumubuo sa sementong iyan?
Saka
lamang natin magugunita: Buhangin.
Maliwanag
na ngayon ang naging bahagi ng buhangin – ng mumunting buhangin – sa pagtatayo
ng mga gusali, ng nagtatayugang gusali. At hindi lamang mga gusali. Maiisip din
natin ang nangatayong mga moog, bantayog, palasyo. Naging bahagi rin ang
buhangin sa pagtatayo ng mga iyon.
At
ganyan, humigit-kumulang ang tao sa kanyang pagtatayo o pagbubuo ng isang
bansa.
Sapat
nang magunita natin ang mga Rizal, Bonifacio, Quezon, Roxas at iba pa; upang
magkaanyo sa ating isip – tulad ng pagkakaanyo ng mga gusali sa ating isip sa
pagkagunita natin sa buhangin – ang pagkakatindig ng isang Republika sa dakong
ito ng daigdig – ang Pilipinas.
Ang mga
nilikhang ito ay mahahalagang butyl “buhanging” naging makabuluhang sangkap sa
pagtatayo ng isang bansa.
Nakagawa
na tayo ng paghahambing, nang walang pag-aalinlangan. At may ilang paghahambing
pang magagawa.
Kung
minsan, may buhanging tikis na hindi napapasangkap sa sementong ginagamit sa
pagtatayo ng gusali; gaya rin ng di-iilang nilikha, sa pagtatayo ng isang
bansa.
Ang
buhanging iyo’y nasa ialng hindi abot-tanaw ng nangangailangan; tulad din ng
mga nilikhang nagkakasya na lamang sa pagiging walang halaga.
Ang
buhanging pumupuwing sa atin at nagdudulot sa atin ng pagkainis at pagkapoot ay
maitutulad sa mga taong hindi na nakatutulong sa mga mamamayan ay nakukuha pang
magsamantala sa mga ito. Ang mga yao’y ang ilang pinunong-bayang nagsasamantala
sa kanilang katungkulan; mga Pilipinong may isipang-alipin tungkol sa sariling
kalinangan, sa sariling wika, sa pagka-Pilipino. Sila’y matatawag na buhanging
“puwing” ng sambayanan sa lumang kalakaran n gating lipunan.
Marahil,
sa ilang mahahalagang katibayang sinasabi ay matatanggap natin ang buhangin
(walang buhay at isip at ina) at ang tao (may buhay at isip at ina) ay maaaring
paghambingin, bagaman at sa ilan lamang kabagayan.
Ngayon
ay maitatanong natin sa sarili:
Ako
kaya’y “buhanging” napasangkap o napapasangkap na sa pagbuo ng aking bayan, o
ako’y isang “puwing”?
1 comment:
Source : Paghahambing at Pagkokontrast - Halimbawang Teksto
Post a Comment