Mga Teorya sa Pagbasa




Ano ang teorya sa pagbasa?

                Ang teorya sa pagbasa ay pananaw ukol sa pagbasa. Ito ay nagtatangkang ipaliwanag sa mga proseso at salik na kasangkot at may kaugnayan sa mga gawaing nararanasan sa akto ng pagbasa at ang pag-unawa sa mga ito (Singer at Ruddell, 1985).

                Napakahalagang kasanayan dapat na matutuhan ng mga estudyante ang isang matibay na pag-unawa sa proseso ng pagbasa. May iba’t ibang paniniwala o pananaw na maaaring magamit sa pagtalakay sa konsepto ng pagbasa.

                Sa kasalukuyan, apat (4) ang popular na modelo, teorya o pananaw tungkol sa pagbasa. Tunghayan ang mga paniniwala tungkol sa pagbasa batay sa mga modelong makikita sa tsart: (A)teoryang itaas-pababa (top-down), (B)teoryang ibaba-pataas (bottom-up), (C)teoryang interaktibo, at (D)teoryang iskema.
MGA TEORYA
PALIWANAG

A.                  Teoryang Itaas – Pababa
(Top-Down)


 






















·                     Mga proponent ng teorya: Kenneth S. Goodman (1985) at Frank Smith (1994)

·                     Ang teoryang ito ay naniniwalang ang pag-unawa ay nagmumula sa isipan ng mambabasa mayroon nang dating kaalaman at karanasan.

·                     Ang daloy ng impormasyon sa teoryang ito ay nagsisimula sa itaas (top) patungo sa ibaba (down) na ang ibig sabihin, ang pag-unawa ay batay sa kabuuang kahulugan ng teksto.

·                     Ang impormasyon ay nagmumula sa dating kaalaman ng mambabasa patungo sa teksto (Smith, 1994).

·                     Ang mambabasa ay gumagamit ng kanyang dating kaalaman (prior knowledge) at mga kaalaman (schema) na nabubuo na sa kanyang isipan batay sa kanyang mga karanasan at pananaw sa paligid. Nakabubuo siya ng mga palagay at hinuha at ito ay iniuugnay niya sa mga ideya na inilahad ng may-akda sa teksto.

·                     Ayon kay Goodman (1967), ang pagbasa ay isang saykolinguwistikong larong pahulaan (psycholinguistic guessing game). Sa larong ito, ang mambabasa ay nagsisilbing “taya” kung saan siya ay bumubuo ng sariling hula, hinuha at ipotesis kaugnay ng tekstong binasa. Sa teoryang ito, ang mambabasa ang sentro ng proseso ng pagbasa sa halip na ang teksto dahil ang mambabasa ay madalas nang may dating kaalaman o iskema tungkol sa paksa. Samakatuwid, sa teoryang ito, ang mambabasa ay higit na nakapokus sa kung ano ang alam niya upang maunawaan ang binabasa.

·                     Ang teoryang ito ay tinatawag ding inside-out model, concept-driven model, at whole to part model (Goodman, 1985 at Smith 1994).


B.                  Teoryang Ibaba – Pataas
(Bottom-Up)


 












·                     Mga proponent ng teorya: Rudolf Flesch (1955), Philip B. Gough (1985), at David La Berge at S. Jay Samuels (1985)


·                     Ito ay salungat sa teoryang top-down.
·                     Ito ay pananaw sa pagbasa na naniniwalang ang pag-unawa sa teksto ay batay sa mga nakikita rito tulad ng salita, pangungusap, larawan, diyagram o iba pang simbolo.

·                     Tinatawag itong teoryang ibaba-pataas o bottom-up na nangangahulugang ang pag-unawa ng isang bagay ay nag-uumpisa sa ibaba (bottom), ito ang teksto (reading text) at napupunta sa itaas (up), sa utak ng mambabasa matapos maproseso sa tulong ng mata at utak o isipan.

·                     Ang kaisipang ito ay batay sa teoryang behaviorist at sa paniniwalang ang utak ay isang blangkong papel o tabula raza.

·                     Ayon kay Smith(1994), ang impormasyon ay hindi nagmumula sa mambabasa kundi sa teksto.

·                     Ang teoryang ito ay tinatawag ding data-driven model o part to whole model. Ibig sabihin, higit na umaasa ang mambabasa sa mga impormasyong nasa teksto.


C.                  Teoryang Interaktibo


 












·                     Mga proponent ng teorya: David E. Rumelhart (1985); Rebecca Barr, Marilyn Sadow, Camille Blachowicz (1990); at Robert Ruddell, Robert Speaker (1985)


·                     Ito ang kombinasyon ng teoryang bottom-up at top-down sapagkat ang proseso ng komprehensyon ay may dalawang direksyon (McCormick, 1998).
·                     Sa paggamit ng dalawang paraan (bottom-up at top-down), nagaganap ang interaksyon sa pagitan ng teksto at ng mambabasa. Ito’y nabubuo mula sa kaalaman at ideya na dala ng mambabasa sa pag-unawa sa teksto.
·                     Samakatuwid, nagkakaroon ng epektibong pag-unawa sa teksto kapag ginagamit ng isang mambabasa ang kaalaman niya sa estruktura ng wika at sa bokabularyo kasabay ang paggamit ng dating kaalaman (schema) at mga pananaw.

D.                Teoryang Iskema
(Schema)


·                     Mga proponent ng teorya: Richard Anderson at David Pearson (1984)

·                     Ang lahat ng ating naranasan at natutuhan ay nakaimbak sa ating isipan o memorya. Ito ay nagiging dating kaalaman (prior knowledge). Ito’y nakakaimpluwensya nang malaki sa pag-unawa kung ano ang alam na o hindi alam ng mambabasa.
·                     Iskemata (schemata), ang sistema ng pag-iimbak ng impormasyon sa utak ng tao (Anderson at Pearson, 1984).
·                     Ang dating kaalaman (iskema) ang unang kailangan sa pag-unawa sa binasa upang maunawaan ang binasang teksto.
·                     Ang iskema ay nararagdagan, nalilinang, nababago at napauunlad.


                Ayon sa dating pananaw, ang pagbasa ay ang pagbibigay ng ideya o kaisipang nasa teksto.sa kasalukuyang pananaw naman, ang mambabasa ay may ideya nang nalalaman batay sa dati niyang kaalaman (iskema) sa paksa o tekstong babasahin. Binabasa ang teksto upang patunayan kung ang mga hinuha o palagay ng mambabasa ay tama, wato, kulang o may dapat baguhin. Samakatuwid, ang tekstong nabubuo sa isipan ng mambabasa ang sentrong iniikutan ng pang-unawa at hindi ang teksto mismo. Dahil ditto, dapat bigyang pansin ang interaksyon ng mambabasa sapagkat ito ang nilalaman ng kanyang isipan.