Walang Panginoon

Walang Panginoon
ni Deogracias A. Rosario

Nang Makita ni Marcos sa kanilang lumang orasan na ang mahabang hintuturo ay malapit nang sumapit sa ika-12 samantalang nakapako na sa ika-8 ang maikling daliri, hindi niya malaman kung saan siya magtutungo. Isiniksik niya ang kanyang ulo kahit saan. Saka ang dalawa niyang hintuturo ay ipinapasok sa mga butas ng kanyang tainga.

Ayaw niyang marinig ang animas. Ayaw niyang mapakinggan ang malungkot na palo ng bakal sa malaking kampanang tanso sa kampanaryo ng simbahan sa kanilang bayan. Gayon man, kahit saan siya magsiksik, kahit saan siya magtago, kahit na anong gawin niyang pagpapasok sa kanyang tainga ay lalong nanunuot sa kanyang pandinig ang malungkot na tinig ng batingaw.

“Tapos na ba?” Tapos… ang sunod-sunod naming itinutugon ng kanyang ina na paniwalang-paniwala hindi nga niya naririnig ang malungkot na animas.

“Ngunit, Marcos…” ang baling uli ng matandang babae sa anak. “Bakit ayaw mong marinig ang oras na ukol sa kaluluwa? Iyay nagpapagunita sa mga tao na dapat mag-ukol ng dalangin sa ikaluluwalhati ng mga kaluluwang nasa kabilang buhay. Una-una’y ang iyong ama, ikalaway ang kapatid mong panganay, ikatloy ang kapatid mong bunso, saka… saka si Anita.” Ang huling pangalan ay binigkas na marahan at madalang ng matandang babae.

Si Marcos ay hindi kumibo. Samantalang pinapangaralan siya ng kanyang ina, ang mga mata niyang galling sa pagkapikit kayat nanlabo pa’t walang ilaw ay dahan-dahang sinisiputan ng ningas, saka manlilisik at mag-aapoy.

Hindi rin siya sumasagot. Hindi rin siya nagsasalita. Subalit sa kanyang sarili, sa kanyang dibdib, sa kanyang kaluluwa ay may pangungusap, may nagsasalita.

“Dahil din sa kanila, lalong-lalo na kay Anita, ayaw kong marining ang malungkot na tunog ng batingaw,” ang sinasabi ni Marcos sa sarili. Kinagat niya ang kanyang labi hanggang sa dumugo upang huwag ipahalata sa ina ang pagkuyom ng kanyang damdamin.

Akala ng ina’y nahuhulaan niya kung ano ang nasa loob ni Marcos. Sa wari ng matanda ay nababasa niya sa mga mata ng anak ang lihim ng puso nito. Naiisip niyang kaya nalulungkot si Marcos ay sapagka’t hindi pa natatagalang namatay si Anita. Ang magandang anak ni Don Teong, mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan.

Nalalaman ng ina ni Marcos na lahat ng pagsisikap nito sa bukid, lahat ng pag-iimpok na ginagawa upang maging isang ulirang anakpawis ay ukol kay Anita. At siya’y namatay! Naramdaman din ng ina ni Marcos kung gaano kakirot ngang maging malungkutin ang kanyang anak. Ito ay kanyang ibig libangin. Ito ay nais niyang aliwin. Kung maaari sana’y mabunutan niya ng tinik na subyang sa dibdib ang kanyang anak.

“Lumakad ka na Marcos, sa kubo nina Bastian. Tila may belasyon sila, o, baka kailanganin ang mabuting mang-aawit at manunugtog ng gitara,” ang sabi ng ina. “Walang pagsalang masasayahan ka roon.”

“Si inang naman, ” ang naibubulalas na lamang ni Marcos. Iyan lamang ang kanyang nasasabi nang malakas. Sa kanyang sarili’y naidugtong niya na hindi masusukat ng kanyang ina kung gaano ang pait para sa kanya ang pagkamatay ni Anita, palibhasa’y lingid sa kaalaman ng matanda ang tunay na nangyari sa pagkamatay nito.
Kung nalalaman lamang ni inang ang lahat, ang nasasabi niya uli sa kanyang sarili samantalang minamasdan niya ang isang ulilang bituin sa may tapat ng libingan ng kanilang bayan, na ipinapalagay niyang kaluluwa ni Anita, “disi’y hindi ako itataboy sa kasayahan.”

Pinag-uusapan pa lamang ng mag-ina nang umagang yaon ang malaki nilang kapalaran sapagka’t mabuti ang lagay ng tanim nilang palay nang isang utusan sa bahay-pamahalaan ang dumating tagkay ang utos ng hukumang sila’y pinapaalis sa kanilang lupang kinatatayuan. Sinasamsam ni Don Teong na ama ni Anita ang lahat ng lupa nilang sinasaka.

“Inang, matalim ba ang itak ko?” ang unang naitanong ng anak sa ina matapos matunghayan ang utos ng hukuman.

“Anak ko!” ang palahaw na pananangis ng matandang babae, sabay lapit sa leeg ng anak. “Bakit ka mag-iisip nang gayon, sa tayo na lamang dalawa ang nabubuhay sa daigdig?”

Ang tinig ng matanda ay nakapagpalubag ng kalooban ng binata. Gayon man, sa harap ng bagong pithaya ng may-ari ng lupang kanilang binubuwisan, ay isa-isang nagbabalik sa alaala niya ang malungkot na kasaysayan ng kanilang lupang sinasaka.

Ang sabi’y talagang sa kanunu-nunuan ng kanyang ama ang naturang lupa. Walang sino mang sumisingil sa kanila ng buwis at walang sinumang nakikialam sa anumang bunga ng kanilang mga tanim, maging mais o tubo, o kaya’y maging anuman sa mga gulay na tanim nila sa bakuran.

Subalit nang bata pa ang kanyang ama ay may nagsukat ng lupa sa sinasabing kanila. Palibhasa’y wala silang maibabayad sa manananggol, ang pamahalaan ay nagkulang ng malasakit sa kanilang karalitaan upnag tangkilikin ang kanilang katwiran at karapatan. Sa wakas ay napilit silang mamuwisan nang di nila makuhang umalis doon.

Noong bata pa si Marcos, ang bayad nila’y isang salapi lamang isang taon sa bawat ektarya ng lupang kanilang sinasaka. Subalit nagtatagal, unti-unti na silang nababaon sa pagkakautang sa maylupa dahil sa mga kasunduang ipinapasok sa pana-panahon, gaya ng takipan at talindawa.

Kaya namatay ang ama ni Marcos ay dahil din sa malaking sama ng loob kay Don Teong. Ang kapatid niya’t namatay din sa paglilingkod sa bahay nito, at higit sa lahat, nalaman niyang kaya namatay si Anita ay sapagkat natutop ng ama nakipagtagpo minsan sa kanya sa loob ng halamanan, isang gabing maliwanag ang buwan.

Saka ngayoy paalisin naman sila sa kanilang bahay at lupang binubuwisan?

Si Anita ay lihim na nagging kasintahan ni Marcos, mahigit nang isang taon noon. Sapul nang dumating si Anita sa kanilang bayan buhat sa pag-aaral sa isang kolehiyo ng mga madre sa Maynila, si Marcos ay nagsimpan na ng malaking pag-ibig sa kanya. Alam ni Marcos ang kanyang kalagayan na halos ay lumaki sa ibabaw ng kalabaw at sa pagtikin sa kanilang damo sa ilog.

Si Marcos ay nagtapos lamang ng katesismo sa eskuwelahan na silong ng kumbento sa kanilang bayan at natutong sumulat sa pisara ng malaking numero. Ngunit gayon man, nagsikap siyang idilat ang kanyang mga mata sa liwanag ng kabihasnan at pagkaunlad. Katutubo kay Marcos ang hilig sa pagkatuto sapagkat sa pag-anib niya sa mga samahang pambayan ay natuklasan niyang walang mabuting paaralan kundi ang pahayagan. Walang aklat, walang pahayagan at lingguhan sa sariling wika na hindi binabasa ni Marcos, kahit manghiram lamang kung wala na siyang ibili. Nagbasa rin siya ng nobela at ibang akdang natutuhan niya sa wikang Tagalog o kayay salin sa wikang ito.

Lalo na nang magsimpan siya ng pag-ibig kay Anita, wala siyang inaalagata sa kanyang buhay kundi ang baling araw ay maging karapat-dapat sa mga kamay ng anak ni Don Teong na may-ari ng lupa nilang sinasaka. Isa pa’y bukod sa naniniwala siya sa kasabihan, “Ang lahat ng tao, kahit hindi magkakakulay ay sadyang magkakapantay,” tinatanggap din niya ang palasak ng kawikaang “Ang katapat ng langit ay pusalian.” Dahil diyan kaya kahit bahagya ay nag-atubili ng pagsisimpan ng pag-ibig kay Anita.
At naibig naman siya ng anak ni Don Teong. Bakit hindi siya maiibig? Minsan si Anita ay namangka sa kanilang ilog, gumiwang ang Bangka at nahulog sa tubig. Si Marcos noon ay nasa lamo at lihim niyang sinusundan ang bakas sa tubig ni Anita. Nang Makita niya ang malaking sakuna ay lumundag siya sa ilog at sa pamamagitan ng langoy na hampastikin ay inabot niya si Anita na kumakamot sa ilalim ng ilog. Matapos niyang kalawitin ng kaliwa niyang bisig sa may baba ang dalaga ay bigla niyang isinikdaw ang dalawa niyang paa sa ilalim kayat pumaibabaw sila, at sa tulong ng pagkampay ng kanyang kamay at pagsikad ng dalawa niyang paa ay nakasapit sila sa pampang.

“Marcos, matagal na naman kitang iniibig,” ang pagtatapat ni Anita sa binate, makaraan ang may ilang buwan buhat nbang siya’y mailigtas.

Tatlumpung araw ang taning sa mag-ina upang lisanin ang lupang gayong ang sabi ay ari ng kanilang ninuno at binubuwisan na nila at sinasamsam pa ngayon. At saka silang mag-ina ay itinataboy. Sino ang hindi magdadalang-poot sa gayong kabuktutan.

Dahil sa kanyang ina, natutong magtiim si Marcos ng kanyang mga bagang. Kinagat niya ang kanyang mga labi upang huwag mabulalas ang kanyang galit. Kinuyom niya ang kanyang mga kamay hanggang matimo sa palad niya ang kanyang mga kuko.

Isang takipsilim nang marinig niya sa kampanaryo ng kanilang simbahan ang malungkot na agunyas. Una muna ang malaking kampana saka sumunod ang maliit. Bang! Teng! Bang! Teng! Babae ang nalagutan ng hinihinga. Maliit naman ang kanilang bayan upang malihim pa kung sino ang binawian ng buhay. Wala siyang nalalaman na may sakit kundi si Anita. Dahil sa pagkatutop sa kanila isang gabi, ang dalaga ay sinaktang mabuti nang ayon sa nagbalita kay Marcos ay mata lamang ang walang latay.

Buhat noon ay nagkasakit na si Anita. Araw-araw ay tumatanggap si Marcos ng balita. At nang tangkain niyang dumalaw minsan ay hinarang siya ni Don Teong na may hawak na rebolber. Susuong din sana si Marcos, subalit nagdadalawang-loob siya. Maaaring maging dahilan iyon ng bigla pang pagkamatay ng kanyang iniibig, bukod sa magiging subyang sa kanyang ina kung siya ay mawawala.

Ang huling dagok na ito sa kanya ni Don Teong ay isinama lamang niya sa talaan ng pagmamalupit sa kanya ng mayamang may-ari ng lupa nilang binubuwisan. Pag-agaw ng lupa sa kanila. At saka noo’y pagtatangka pa sa kanyang buhay. Pinakahuli nga ang pagkamatay nang tuluyan ni Anita, na ayon sa balita niya’y nalagutan ng hiningang siya ang tinatawag. Saka nitong huli ay pagpapaalis sa kanilang lupang kinagisnan at pinagyaman sa tulo ng kanilang pawis na mag-anak.

Ngunit si Marcos, isang manggagawang hubog sa palihan ng bagonga panahon, lumaki ang puso sa mga pagtitiis. Naging maluwag nga ang kanyang dibdib sa pagtanggap ng pang-aapi ng may-lupa. Hanggang noong bagong pag-upasala ng itinuturing niyang panginoon. Datapwat nang tanggapin niya ang utos ng hukuman na pinaalis sila roon, talagang nagdilim ang kanyang isip. Noon pa’y naisip na niyang gawing batas ang kanyang kamay, yamang hindi na niya matatamo ang katarungan sa hukuman ng mga tao.

“Huminahon ka anak ko,” ang sabi ng kanyang ina. “Hindi natutulog ang Bathala sa mga maliliit. Magtiis tayo.”

Hindi niya itinuloy ang paghanap sa kanyang itak na matalas. Pagkakain niya ng agahan, nilibang niya ang kanyang ina saka lumabas sa bukid. Gaya rin ng dati’y sinakyan niya ang kanyang kalabaw na lalong mahal niya sa lahat sa limang alaga niya. Lumabas siya sa bukid at hinampas niya ng tanaw ang karagatan ng namumulang ginto. Pagdaramdam at paghihinayang ang ngumatngat sa kanyang puso. Gaanong pagod ang kanyang pinuhunan upang ang palay nila’y magbungang mabuti? Sala ngayo’y pakikinabangan at matutungo lamang sa ibang kamay.

Napapalatak si Marcos sa ibabaw ng kanyang kalabaw. Ibig mang pagdiliman ang isip kung nagugunita ang utos ng hukuman, ang alaala naman ng kanyang ina’y walang iniwan sa bahagharing sumusugpo sa nagbabalang unos. Dadawala na lamang sila sa daigdig at ayaw niyang pabayaan ang kanyang ina; ipinangako niyang hahandugan ng kaligayahan ang nalalabing buhay nito,bago malagutan ng hininga ang kanyang ama.

Dahil nga sa kanyang ina, kaya naisip niya ang kabutihan kung sila’y magsasarili: “Tungo sa hilaga at kukuha ng homestead. Kakasundo ng mga bagong magsasaka; paris ni Don Teong, kailangang magkaroon din ako ng gayak paris niya.”

Kabalintunaan man ang sinasabi ng anak ay hindi na nag-usisa ang ina palibhasa’y nababatid niyang sa dibdib ng binate ay may isang halimaw na natutulog na hindi dapat gambalain upang huwag magising. Wala siyang nalalaman kundi tuwing takipsilim, kung nakaligpit na ang mga tao sa nayon ang buong kagayakan ay isinusuot ng kanyang anak saka lumalabas sa bukid. May dalawang linggo nang gayon ang ginagawa ni Marcos, hanggang isang araw ay tawagan siya ng pansin ng matanda.

“Marcos,” sabi ng matanda. “Dalawang linggo na lamang ang natitira sa ating taning ay hindi mo ginagawa ang pakikipagtuos kay Don Teong… kung may magiging sukli man lamang tayo sa ating ani ngayon?”

“Huwag ka pong mabahala, Inang,” sabi ng mabait na anak. “Nalaglag po ang dahon sa kanyang kapanahunan.”

Talinghaga na naman ang sinabi ni Marcos. Gayon man may nagunita siyang isang bagay na ibig niyang malaman sa anak.
“Bakit hindi mo iniuwi ang kalabaw sa bakuran?” Tinutukoy niya ang kalabaw na mahal na mahal sa lahat ni Marcos.

Maaaring magpakahinahon si Marcos, subalit ang huling kapasiyahan ni Don Teong ay namukaw ng lahat ng kanyang pagtitimpi. Ayaw niyang gumamit ng dahas, subalit….

Nagunita niya ang sinabi ni Rizal. “Walang mang-aalipin kung walang magpapaalipin.” Napailing siya sa harap ng gayong masaklap na katotohanan. Patong-patong na ang ginagawang pamamaslang sa kanya ni Don Teong – takalang dapat nang kalusin. Nagunita rin ni Marcos ang marami pang ibang kasama, katulad din niya, na sa kamay ng mayamang si Don Teong ay walang iniwan sa mga leeg ng manok na unti-unting sinasakal hanggang matikil ang hininga sa hangad na mahamig na lahat ang kayamanang gayong minana sa kanilang mga ninuno ay iba ngayon ang may-ari at nagbubuwis pa.

“Kailangan maputol ang kalupitang ito!” Ang tila pagsumpa sa harap ng katalagahang ginawa ni Marcos.

“Bakit ka bumili ng pulinas, gora, suwiter, at latigo, anak ko?” ang tanong ng matanda kay Marcos, isang araw na dumating siyang pagod na pagod sa naturang dala-dalahan.

“Inihahanda kop o iyon sa pagiging panginoon natin, paris ni Don Teong,” ang nakatawang sagot ng anak. “Kung tayo po’y makaalis na rito, tayo’y magiging Malaya,” ang tila wala sa loob na tugon ng anak.

Ang totoo, ang naturang kalabaw ni Marcos ay nakapugal sa hangganan ng lupang sarili ni Don Teong. Kung takipsilim ay isinusuot na lahat ni Marcos ang pulinas, ang gora, at ang suwiter, saka dala ang latigong katulad ng pamalo ni Don Teong. Pagdating niya sa pook na kinapupugalan ay saka aasbaran ng palo ang kalabaw hanggang sa ito’y umuungol na ang alingawngaw ay abot hanggang sa kalagitnaan ng bayan. Kung dumating siya’y dinaratnan niya ang kanyang inang matuwid ang pagkakaluhod sa harap ng isang maitim na Sano Kristo sa kanilang silid na naiilawan ng isang malaking kandila.

“Salamat, anak ko, at dumating ka,” ang sasabihin na lamang ng matanda. “Akala ko’y napahamak ka na.”

Si Don Teong ay may ugaling maglibot tuwing hapon sa paligid-ligid ng kanyang lupa. Ang ipinanganganib ng ina ni Marcos ay baka magkasalubong ito at ang kanilang panginoon, ay hindi makapagpigil ang isa’t isa. Nalalaman din ng matandang babae na laging may dalang rebolber sa baywang ang mayamang asendero buhat nang magkaroon ng alitan dahil sa lupa, kaya lagi niyang inaalaala ang pag-alis-alis ni Marcos.

Subalit isang hapon, samantalang payapang inihahanda ng mag-ina ang kanilang pag-alis, walang iniwan sa putok ng bulkan ang balitang kumalat sa bayan na si Don Teong ay namatay sa pagkasuwag ng kalabaw. Sinabi ng mga nakakita na pagkakita pa lamang ng kalabaw kay Don Teong ay tila may sinumpang galit sapagka’t bigla na lamang sinibad ang matanda at nasapol sa katawan ng asendero ay tumilapon pa sa itaas at paglagpak ay sinalo naman ng kabilang sungay.

Ang katawan ni Don Teong ay halos lasog-lasog nang iuwi sa bayan, wasak ang suwiter sa katawan at saka ang pulinas. Kumilos agad ang maykapangyarihan upang gumawa ng kailangan pagsisiyasat subalit ang lahat ng matuwid ay nawalan ng halaga sa hindi kumikilos na ayos ng kalabaw na animo’y wala sa loo bang ginawa niyang napakalaking pagkakasala.

Nang malamang kay Marcos ang kalabaw, bawat isa’y nagkatinginan. Hindi nila malaman kung papaanong ang poot ni Marcos kay Don Teong ay nagtungo sa alaga niyang hayop.

Si Marcos ay nakatingin din sa orasan nang gabing yaon. Tatlong minute na lamang ang kulang sa ika-8 ng gabi. Hindi siya gumagalaw, hindi siya nababahala.

Tumugtog ang animas. Hindi na gaya ng dating ayaw niyang marinig ito. Sa halip na idalangin, ang kalululuwa ng mga namatay, ang naisip niya’y ang matapang niyang kalabaw.
“Mapalad na hayop na walang panginoon,” ang kanyang naibulong.

No comments: