Sa pamamagitan ng
pagbabasa, natutuklasan ang mga damdamin, tono, layunin at pananaw ng manunulat
sa pagsulat ng teksto o akda. Sinasadya man o hindi, mababakas ang saloobin at
karanasan ng may-akda sa kanyang isinulat. Matutukoy ang mga ito sa pamamagitan
ng mga salitang ginamit niya sa teksto.
Damdamin (emotion) – tumutukoy sa saloobing nalilikha ng
mambabasa sa teksto. Ito ay maaaring tuwa, lungkot, galit, poot, takot,
paghanga, pag-ibig o humaling, pagnanais, pagkagulat, pagtataka, pag-asa,
kawalang pag-asa, katapangan, pangamba, pagkainis, pagkayamot, at iba pang
emosyon o damdamin.
Tono (tone) – tumutukoy sa saloobin ng may-akda sa paksang
kanyang isinulat. May mga may-akda na nagagawang magaan ang paglalahad sa isang
seryosong paksa. Ang tono ay maaaring mapagbiro o mapanudyo, masaya o
malungkot, seryoso at satiriko.
Layunin (objective) – tumutukoy sa kung ano ang nais mangyari
ng isang manunulat o awtor sa kanyang mambabasa. Ito ay maaaring manghikayat,
mang-impluwensiya, mangaral, magtanggol, mang-aliw, manlibang, magbigay ng
impormasyon, magbahagi ng isang paniniwala o prinsipyo, magturo ng kabutihang
asal at iba pa. ang isang teksto ay maaaring may dalawa o higit pang layunin
depende sa hangarin ng manunulat.
Pananaw (point of view) – ito ay tinatawag ding punto de vista. Sa maluwag na
pagtuturing, masasabing ito ay paraan ng pagtanaw ng manunulat sa kanyang akda.
Gayunman, sa pagtalakay ng anomang akda o teksto, ito ang sumasagot sa tanong
na “Sino ang nagsusulat o nagkukuwento?”
Sa pamamagitan ng
pananaw, nakikilala ng mambabasa ang nilikha ng naglalahad at ng pangyayaring
inilalahad, at kung gaano ang nalalaman ng naglalahad. Ang pananaw na gagamitin
sa teksto o akda ay nakadaragdag ng kawilihan sa pag-unawa nito.
Ang pananaw ng awtor
ay makikita sa pamamagitan ng mga panghalip na ginamit sa teksto.
Unang panauhang pananaw – ako, ko, akin, atin, natin, tayo, kami
Ikalawang panauhang pananaw (tagamasid) – ikaw, mo, ka, iyo, kanila, kita,
kayo, inyo, ninyo
Ikatlong panauhang pananaw – siya, niya, kanya,
sila, nila, kanila
Halimbawang Teksto
ANG PILIPINONG DAYUHAN SA
SARILING BANSA
ni Dr. Nestor C. de Guzman
Saan nga ba sa mundo makakakita ng isang
dayuhan sa sariling bansa? Meron ba? Nais kong ibahagi sa inyo kapwa ko Pinoy
ang isang simpleng artikulo. Simple pero parang mahirap gawin ng karamihan sa
atin, pero kung kakayanin, baka sakaling magawa. Hindi ito makukuha sa puro
daldalan lang or walang kabuluhang pagtatalo, kumilos tayo, ngayon na.
Madalas mangibang bansa ang mga
Pilipino. Natural, kahit papaano, mag-iiba ang kanilang ikikilos. Sa ibang
bansa, kapag sila ay nagkasala, pinarusahan sila ayon sa batas. Sa Pilipinas,
kapag nagkasala ang Pinoy, ayaw niyang maparusahan kasi sabi niya mali raw ang
bataw. Ang galling mangatwiran. Lalo na kung ang batas ay hindi positibo sa
kanila.
Sa ibang bansa, pinag-aaralan muna ng
Pinoy ang mga batas bago siya pumunta roon, kasi takot siyang magkamali.
Sa Pilipinas, kapag nagkamali ang Pinoy,
sorry kasi hindi raw niya alam na labag sa batas iyon. Kasi naman, hindi nga
inaalam, at kahit alam na, kunwari hindi batid lalo na kung nahuli.
Sa ibang bansa, kahit gaano katas ang
bilihin at tax sa USA okey lang,
katuwiran natin doble kayod na lang. samantalang sa Pilipinas, kahit
tripling kayod pa…ayaw magbayad ng tax. Pero ang lakas nilang ipagsigawan ang
dapat gawin sa gobyerno sa kanila.
Sa Pilipinas, mahilig ka sa last day
para magbayad ng tax minsan dinadaya mo pa o kaya hindi ka nagbabayad. Rally ka
kaagad kapag tumaas ang pasahe at bilihin, imbes na magsipag, mas gusto natin
ang nagkukwentuhan lang sa munisipyo o kahit sa alinmang tanggapan.
Sa Singapore, kapag nahuli kang nagkalat
o nagtapon ng basura sa hindi tamang lugar, magbabayad ka ng 500 Singapore
dollars. Sabi ng Pinoy, okey lang kasi lumabag ako sa batas. Korek! Saka wala
sila sa sariling bansa.
Sa Pilipinas, kapag nagkamali ang Pinoy
katulad ng ganito, sabi ng Pinoy, ang lupit naman ni Bayani Fernando, mali
naman ang pinaiiral niyang batas eh, akala mo kung sino siya. Ayun nag-rally na
ang Pinoy, gustong patalsikin si Bayani Fernando kahit na alam niyang mali
siya.
Sa ibang bansa, hindi maidikit ng mga
Pinoy ang bubblegum kahit saan o itapon man lang, takot silang mahuli at
maparusahan.
Sa Pilipinas, taos-puso pang idinidikit
ng mga Pinoy ang bubblegum kahit saan, at madalas ay sa mga ilalim pa ng upuan
o mesa. Tingnan mo ang kinauupuan mo ngayon o kaya ay damhin ng iyong palad,
baka may makapa kang bubblegum ngayon. Kapag sila ay nahuli, sasabihin pa “TRIP
LANG.”
Sa ibang bansa, bawal manigarilyo sa
loob ng mga pampublikong sasakyan. Ang mga Pinoy, sagrado ang pagsunod sa
ganitong batas.
Sa Pilipinas, nakadikit na nga sa loob
ng sasakyan ang “Bawal Manigarilyo” ang drayber ng sasakyan ang walang hinto sa
kakahithit ng sigarilyo. Parang naisip ko tuloy, maraming drayber ang hindi
tumuntong ng Grade 1 at hindi marunong magbasa.
Sa ibang bansa, kapag nakita ka ng
drayber na lilipat sa tamang daan, kusa silang hihinto at padadaanin ka.
Madidismaya nga lamang sila kapag hindi ka naman tumawid. Kaya kung wala kang
balak tumawid, huwag kang lalapit sa tamang daanan dahil ganoon kabait ang mga
drayber sa ibang bansa, pagbibigyan ka kahit nagmamadali sila.
Sa Pilipinas, maraming tangang drayber o
parang lahat yata ay may LBM, kasi nagmamadali, kahit may lumilipat na, mabilis
pa rin ang pagtakbo ng mga sasakyan, hindi man hihinto kung hindi mo pa sila
bibigyan ng senyales ng paghinto. Minsan, nakatawid kana sa kalahating daan,
kailangan mo pang hintayin ang paghinto sa kabilang daan.
Naalala ko tuloy noong isang araw,
kailangan ko pang pumunta sa tamang tawiran para doon tumawid. Pinagtawanan ako
ng aking mga kasama at sabi “bakit ka pa pumunta doon ang layo, pwede naming
tumawid dito wala namang sasakyan.” Ang sagot ko sa kanila “kakaunti na nga
lamang kaming sumusunod sa tama, mababawasan pa kami.”
Bilang pagwawakas, alam kong marami sa
inyo ang natatawa sa mga binanggit ko, marami sa inyo ang nakapag-reflect at
marahil ay tinamaan kahit kaunti lamang. Mamaya, babaguhin ang sarili dahil may
epekto pa ang mga sinabi ko. Pero ang tanong ko lang, hanggang kalian ang
pagbabago? Bukas? Sa buong linggo? Isang buwan? Isang taon? O ngayon lang?
1 comment:
Read more at http://www.thesilentlearner.tk/2014/06/filipino-2-pagtiyak-sa-damdamin-tono.html
Post a Comment